Kagaya ng nabanggit ko noong nakaraang blog ko, magbibigay ako ngayon ng ilang halimbawa o paraan kung papaano kumita ng passive income. Pero, sa simula pa lang, sasabihin ko na sa inyo na ang ibang paraan na aking babanggitin ay mangangailangan ng malaking halaga, at baka hindi muna natin kayanin sa ngayon (sa ngayon, pero kung pagbubutihin natin ang ating financial health, kakayanin natin sa hinaharap).

Pinakauna sa aking listahan ang mga savings accounts. Naniniwala ako na karamihan sa atin ay kayang magsimula o magpanatili ng savings account Unang-una sa lahat, hindi naman malaking kapital ang kinakailangan para rito. Sa BPI, PHP 500 nga lang ang kailangan. Itinuturing ko ito bilang paraan upang kumita ng passive income dahil kumikita ang isang tao na nakakapagpanatili ng kanyang savings account ng 1% (o bahagyang mas mababa) sa isang taon. Ibig sabihin, iwanan mo lang sa savings account mo ang pera mo, kikita na ito. Alinsunod ito sa ating depinisyon ng passive income noong nakaraang blog.
Bahagyang mas nakakaangat sa savings account ay ang mga tinatawag na time deposit accounts. Sinasabi ko na bahagyang nakakaangat ito dahil ang income na maaaring kitain dito ay 2-3% sa isang taon. Mas malaki ng bahagya sa savings account. Ganunpaman, may kaunting sakripisyo ang hinihingi rito. Dahil ito sa usapan sa pagitan ng imbestor at bangko na kailangang hindi galawin ang perang nasa time deposit, depende na sa kung gaano katagal ang napag-usapan sa pagitan ng imbestor at bangko. Ibig sabihin, kung ikaw ay may time deposit, hindi mo pwede kuhanin ang pera mo nang basta-basta. Kung hindi, ikaw ay magbabayad ng karampatang multa o baka makansela ang time deposit mo.
Pupunta na tayo ngayon sa mga investment products. Mga produkto ito na mas nagbibigay ng malaking income.

Trust funds at mutual funds ang mga una kong babanggitin dito. Para sa akin, dito sa Pilipinas, ‘di masyadong naglalayo ang trust funds at mutual funds. Hindi katulad ng sa ibang bansa, na malaki ang pinagkaiba ng trust fund at mutual fund. Bakit ko nasabi ito? Alinsunod sa patakaran ng ating gobyerno, nireorganisa ang mga trust fund at ginawa silang mga Unit Investment Trust Fund. Ibig sabihin, para na silang mga mutual funds na may mga units or shares na karagdagang nabibili, depende na sa kung magkano ang iyong ipapasok na pera. Dagdag pa rito, kagaya ng mga mutual funds, maaari ka ring magpasok ng mga deposit pagtapos mo mag-initial investment. Ito ang tinatawag na subsequent deposit. Simple lang naman ang pinagkaiba ng trust fund at mutual fund sa Pilipinas, at iyon ang sukat ng kontrol ng mga imbestor. Halimbawa, sa mutual funds, kung hindi na masaya ang mga imbestor sa kinakalabasan ng mutual fund, maaaring tanggalin o sibakin sa puwesto ang fund manager o ang tagapangasiwa ng fund. Hindi ito tulad ng sa trust fund, na kapag hindi na maganda ang kinalalabasan ng fund para sa mga imbestor, ang tanging magagawa lamang ng mga imbestor ay tanggalin na lamang ang kanilang mga ipinasok na pera. Kaya naman tinawag na “trust” fund. Kasi nga, umiikot ang pondo sa konsepto ng trust o tiwala. Kung magaling ang mutual fund o UITF na pinaglagyan niyo ng pera, maaaring magbalik ito ng 10-20% sa loob ng isang taon.

Susunod kong babanggitin ang Stocks.
Relax lang kayo. Kung ano man yang narinig niyo ukol sa stocks, isantabi niyo muna at pakinggan niyo ang sasabihin ko. Para sa akin, magandang instrumento upang kumita ng passive income ang stocks sa totoo lang. Hindi lang talaga nagagamit nang maayos ng mga tao ito. Kapag nagamit nang maayos, alam mo ba na maaari kang kumita ng 50% o kalahati ng pinasok mong pera kaagad sa isang araw pa lamang nang dahil sa stocks? Ganunpaman, hindi ko rin naman itatago sa inyo ang katotohanan na marami nang nawalan ng pera sa stocks. Para sa akin, dahil ito sa maling paggamit ng stocks. Ganito kasi yan. Sa stock market, may dalawang uri ng tao: ang TRADER at ang INVESTOR. Para sa akin, ang mga TRADERS ang mga taong bumibili ng mga stocks para sa panandalian lamang. Halimbawa, kung ikaw ay mahilig mag buy and sell ng stocks kada araw (o oras), linggo o buwan, ikaw ay isang TRADER. Bakit mo naman gagawin ito? Dahil sinisikap mong pagkakitaan ang maliliit na fluctuation o pagtaas-baba ng presyo ng mga stocks. Kapag tumaas nang bahagya ang presyo ng stock, bebenta mo kaagad. Kapag bumaba naman, bibilhin mo kaagad. Kung minsan, ang paraan na ganito ay magdadala ng karagdagang kita. Ngunit kung hindi ka marunong at hindi ka magaling, magdadala lang ito ng kawalaan at kamalasan. Ikalawang uri naman ng tao sa stock market ang INVESTOR. Para sa akin, ang mga INVESTOR ay yaong mga tao na long-term ang pag-iisip. Ibig sabihin, wala silang pakialam sa pagtaas o pagbaba ng presyo ng mga stocks sa araw-araw. Kung ikaw ay yaong tipo ng tao na patuloy lamang binibili ang isang stock taon-taon, masasabi ko na ikaw ay isang INVESTOR. Mainam ang pagiging INVESTOR para roon sa mga taong hindi gaano kagaling sa stocks. Wala kang iniisip na kung ano man, kundi bumili ng stock kada buwan, quarterly, semiannually, or kada taon. Sa ganitong paraan, depende na rin sa kalalabasan ng stock, maaaring kumita ng doble sa loob ng isang taon.

Bahagyang katulad ng stock trading/investing ay ang tinatawg na foreign exchange.
Nangyari na ba sa inyo na noong bata kayo, tinatago ng inyong mga magulang ang mga dolyar na nakukuha niyo sa inyong mga tiyuhin at tiyahing balikbayan? Ang paniniwala kasi ay tataas ang kahalagahan ng dolyar laban sa piso sa hinaharap. Mukha naman totoo dahil noong bata ako, kinakailangan ng PHP20, para makabili ng isang Dolyar. Ngunit ngayon, kinakailangan ng higit-kumulang PHP43 para sa isang Dolyar. Ibig sabihin, kumita na ng doble ang mga taong nagtago ng dolyar noong panahon na iyon. Kaya naman mainam rin subukan ang foreign exchange market. Kagaya rin ng sa stocks, mayroon ring mga taong TRADERS ng foreign exchange. Ibig sabihin, sila ang mga uri ng tao na sinasamantala ang maliliit na pagtaas o pagbaba ng presyo ng isang currency tulad ng Dolyar. Pero, kagaya rin sa stocks, kinakailangan na marunong ka sa teknikal na aspeto ng foreign exchange, kung gusto mong maging trader.

Sa maniwala ka o sa hindi, may isa pang paraan upang kumita ng passive income (o kahit active income). Subalit, kadalasan rin na ito ay minamaliit o hindi pinagtutuunan ng pansin. Ito ang pagpapahalaga sa ating mga hobby o libangan. Oo! Maaari mong pagkakitaan ang iyong mga libangan. Halimbawa, kung idol mo sina Manny Pacquiao, Lebron James, o kahitpaman si Phil Younghusband, nakakakita ka na ng mga taong pinagkakitaan ang kanilang mga libangan. Masarap isipin na kung ihahambing sa mga taong ito, maaari pa lang kumita ng libo-libo o milyon-milyon sa simpleng paglalaro o paggawa lang ng libangan. Milyones ang kinikita ni Lebron James sa simpleng pagbabasketbol niya araw-araw nga 2-4 na oras.
Pero tama ka rin naman. Hindi rin naman lahat ng tao eh kasing galing o biniyayaan ng kanilang mga talento upang maging NBA player o Azkal. Ngunit, hindi iyon ang punto ko. Ang punto ko eh dapat nating buksan ang ating sarili sa mga posibilidad na maaari nating kitain sa ating mga libangan. Halimbawa, gaya ng isinulat ni Louis De Los Angeles, kung magaling kang photographer, bakit hindi mo pagkakitaan? Magbolontaryo ka na ikaw na lang ang kumuha ng mga litrato sa mga selebrasyon, handaan at iba pa ng iyong pamilya, kesa naman hahanap pa sila ng propesyonal na mas mahal ang bayad. Tapos, singilin mo lang sila ng kakaunti, at kumita ka na ng pera. Hindi ba? Maganda pa rito eh kapag naparami mo na ang iyong portfolio sa kakakuha mo ng mga larawan, maaari ka nilang ialok sa kani-kanilang mga kaibigan o ikaw mismo ay maaari ng mag-alok ng serbisyo sa kaibigan ng kaibigan mo at sa iba pang mga tao. Sa huli, rarami ang iyong kikitain sa simpleng paggawa mo lang ng iyong libangan, na pagkuha ng litrato.
Isa pang halimbawa eh si Rio Dela Cruz. Hindi na siguro supresa para sa iba na magaling na mananakbo at atleta si Rio. Pero ang kamangha-mangha kay Rio ay hindi siya nagtapos doon. Ipinagpatuloy niya ang kanyang libangan at ngayon, kumikita siya ng libo libong salapi sa simpleng mga fun runs ng RunRio, ang kanyang kumpanya.
Marami pang paraan. Ilan lang ito sa mga halimbawa.
Medyo katulad din ng pag-invest sa isang libangan eh ang pag-invest sa mismong mga negosyo o franchise. Kung mahilig ka sumakay ng LRT or MRT, hindi na bago sa iyo na makakita ng mga Siomai King at Waffles Express. Sa presyong makabuluhan, maaari kang magnegosyo tulad nga mga food carts na iyan. Ngayon, kung malaki-laki ang kapital na mayroon ka, posible rin sumubok ng mga negosyo na matatag na tulad ng Chic Boy, Generics Pharmacy o kahit Mc Donald’s.
Susunod sa aking listahan ay ang mga lupain at real estate. Sa kasamaang palad, medyo malaki-laki ang kapital na kinakailangan para rito. Ngunit, sulit naman kapag ikaw ay nag-invest sa mga ganito.
Kung hindi niyo alam, maaaring pagkakitaan ang pag buy and sell ng lupa o mga condominium. Kagaya ng stocks at forex, maaari mong gawin itong panandalian lang o “short term” (TRADING). Maaari mo rin itong gawin na long term (INVESTING). Halimbawa, kung bumili ka ng lupain sa Makati 30 taon na ang nakakaraan, maaari mong ibenta ito ngayon ng milyones. Kung bibili ka ng condominium sa MEGAWORLD sa McKinley Hill, at binenta mo ito sa iba pagtapos ng ilang buwan o linggo, maaari kang magpatong at kumita ng ilang daang-libong piso. Ang hamon lang sa ganitong investment eh syempre ang kapital na kinakailangan. Kaya naman aking ipinapayo sa inyo na palakihin at palawakin niyo muna ang inyong kapital sa mga nabanggit ko noong simula tulad ng stocks at mutual funds.
Sigurado ako na marami pa kayong naiisip na mga raket o paraan upang kumita ng passive income. Maganda iyan dahil ngayon, mas napapahalagahan niyo na at mas bukas na kayo sa posibilidad na kumita ng mas marami. Ang mahalaga eh ang magsimula habang maaga pa at unahin ang mga prioridad.
Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, may dahilan.
- Ang Street Smart Investor (hango ang ilang nabanggit sa “Guide to Wealth” ng HSBC at “Invest in your hobby” ni Louis De Los Angeles)