Kung bibigyan kita ng ilang segundo upang isa-isip ang isang CAPITALISTA o IMBESTOR, ano ang mga unang papasok sa isip mo?
Isang mayamang taong naka-kurbata at nagtatrabaho sa Makati?
Stocks?
Negosyante?
Mangangalakal?
Iyang mga nabanggit ko sa itaas ang mga bagay na siguro’y unang papasok sa isip mo. Malamang-lamang, ang isang IMBESTOR ay isang tao na naglalagay ng kapital, pera o anumang bagay, sa isang lugar, sa pagnanais na ang halaga nito ay rarami or lalaki.
Sabi sa Wikipedia, ang isang IMBESTOR taong nagsasantabi ng kapital, sa paniniwala na ito ay kikita o lalaki ang halaga.
Kung gayon, maaaring sabihin na ang isang IMBESTOR ay isang taong bumibili o nagbebenta ng kahit anong bagay. Ibig sabihin, kung bumibili o nagbebenta ka ng pagkain, sapatos, gasolina, damit, stocks, condominium, apartment, etc, isa kang IMBESTOR. Bakit ko nasabi iyon? Umiikot ito sa aking paniniwala na kahit papaano, may nakukuha ang isang tao pabalik, kapag siya ay gumastos o magbenta ng mga nabanggit ko. Halimbawa, kung gumastos ako ng PHP 2,500.00 para bumili ng sapatos, napapansin ko man o hindi, mayroon akong nakukuha pabalik. Nakukuha ko ang ginhawa na hindi ko na kailangan maglakad ng nakayapak; nakukuha ko ang aliw na maganda ang porma o hitsura ko dahil sa bagong sapatos; nakukuha o ang kasiyahan na protektado na aking mga paa, at iba pa. Bagaman hindi nasusukat ng pera itong mga nakuha ko pabalik, naniniwala akong maituturing pa rin itong mga ito bilang pakinabang. Tinatawag na “Economic Gain” ang pakinabang na ito ng mga economista.
Kung gayon, ang IMBESTOR ay ikaw.
Ganunpaman, bakit hindi natin ito naiisip? Bakit kapag tinanong natin ang ating mga sarili kung ano ang isang IMBESTOR, hindi natin nababanggit ang ating mga sarili? Madali lang ang sagot diyan. Sa maniwala ka o sa hindi, karamihan ng ating pinaglalagyan ng ating pera ay ang mga bagay na hindi talaga nagpapalaki ng halaga o nagpaparami ng ating kapital. Halimbawa, kung bibili ka ng isang kotse sa halagang PHP 1 Milyon, kapag binenta mo ito, hinding-hindi mo ito mabebenta sa halagang higit pa sa PHP 1 Milyon (maliban na lang kung napakagaling mong magbenta o mambola). Bakit? Dahil sa konsepto ng DEPRECIATION o pagbaba ng halaga.
Bakit bumababa ang halaga ng isang bagay? Maraming dahilan. Maaaring dahil nagluluma ito o posible rin dahil nag-iiba na ang pagtingin ng mamimili rito. Ganunpaman, ang punto ko ay mahilig tayong bumili ng mga bagay na nagdedepreciate.
Kaya naman ginawa ko itong blog. Sisikapin kong magbigay ng mga bagay na maaari niyong paglagyan ng inyong mga kapital at pondo, upang talagang palakihin ito at hindi lamang umasa sa Economic Gain na mabibigay nito. Ito ang mga bagay na nag-AAPRECIATE.
Bilang patapos, ipinaaalala ko lang sa inyo na kayo ang IMBESTOR. Hindi niyo na kailangan maging IMBESTOR. Ngayon pa lang, IMBESTOR na kayo. Ang tanging mahalaga lamang ay kung magiging WAIS na IMBESTOR kayo.
No comments:
Post a Comment